Saturday, November 22, 2008

"don't shout to strangers!"


hindi mo kailangang sumigaw para lang maintindihan kita.

kahit ang pinakamahinang bulong ay maiintindihan ko, sana alam mo yun.

at isa pa, hindi dahil sumisigaw ka ay tama at mataas ka, hindi mo ba napansin, kinakailangang mong sumigaw para makuha lang ang atensyon ng iba o bigyan ng takot ang iba para sa sarili mong intensyon, pero sa totoo wala naman talagang kwenta ang mga salitang lumalabas sa bibig mo.

sana marunong kang mahiya, o kung ayaw mo, kahit konting respeto naman. tao rin ang kausap mo! hindi lang ikaw ang taong kakausapin ko, marami pang iba. kung ayaw mong magpapigil sa pagtaas ng boses mo, sana naman wag sa tenga ko, may mga pangarap din ako, katulad mo.

--hay, hirap makipagsabayan sa mga irate callers!





Wednesday, October 8, 2008

risking it all

akala ko dati, lahat kaya mong gawin para lang sa isang bagay na gustung-gusto mo. mali pala ako. mali talaga.

minsan, parang ang hirap magsakripisyo na lang ng kahit konting panahon o atensyon para lang sa bagay na iyon. kaya heto ako ngayon, nabali na naman ang mga pangako sa sarili.

pero alam mo, naisip ko, hindi ko pala gaanong gusto ang bagay na hindi ko mapagbigyan kahit ng konting panahon lang. kasi naman, masusukat ang kagustuhan mo sa isang bagay sa laki ng atensyon at dami ng panahon na kaya mong isakripisyo para dito. di ba? kung hindi ka handang mawala sa'yo ang isang bagay para sa isang bagay na gustung-gusto mo, eh gumising ka na, ang totoo, hindi mo talaga ito gusto. maniwala ka.

Friday, August 1, 2008

info overload

umuulan ng ideya ngayon pero ayaw nitong magpatapon.

mali. ayaw ko palang itapon sa ngayon.

Sunday, July 13, 2008

bukas na talaga


july 14. bukas yun..medjo advance ang blog post na ito, hehehe. hindi ang pagiging excited ang dahilan (promise!), kasi naman baka matagalan pa bago ko mabuksan muli ang aking minamahal na "patapon." kaya ayun, ngayon ko na lang gagawin.

bukas, opisyal na magsisimula ang bago kong trabaho. hindi ko man alam kung saan mapupunta ang pagsisimulang ito, handa pa rin akong harapin ang bukas. syempre naman, lahat naman ng tao kelangang dumaan sa simula. mataas man ang katayuan mo ngayon, sigurado akong sa baba ka rin nagsimula. (maliban na lang kung may halong pamumulitika ang kasaysayan ng buhay mo, alam kong alam mo na kung ano ang gustong iparating ng mga letrang ito).

totoo naman kasi eh. minsan, kahit gustong-gusto mo nang gumalaw sa pantay at walang lamangan na mundo, patuloy pa rin itong ipagkakait ng mga taong walang inatupag kundi ang kanilang mga sarili. sa huli, parang sila na lang ang gumagawa ng takbo ng buhay mo. pero hindi ako papayag. buhay ko ito, at ako ang kelangang sumulat ng nobela ko. sa ngayon, hahayaan ko na lang silang gawin ang gusto nila. sana samahan mo ako sa layuning mapatunayan sa kanila na kahit na hindi mo hinahaluan ng pamumulitika ang buhay mo, pwede ka pa ring magtagumpay.

alam kong marami na ang nakagawa ng ganun, kaya lang pilit nagbubulag-bulagan ang iba para mapadali lang ang sistema. ikaw, san ka nakatayo ngayon? taas-noo mo bang masasabing sariling sikap mo lang ang lahat?

Wednesday, July 9, 2008

my alphabet


may bago akong mundo ngayon...oo, kaya naman namimiss ko na ang magsulat.

nakakamiss din na bumangon sa kalagitnaan ng kasarapan sa pagkakahiga para lang lapatan ng mga salita ang gumugulo sa aking isipan.

nakakamiss din na magpahinga muna sa trabaho at magsulat ng ibang tema.

nakakamiss din ang walang limitasyong paggamit ng computer anumang oras para lang sa nasabing pagsusulat.

gusto ko nang magsulat ulit, kaya heto ako ngayon, binabayaran ang bawat minuto sa paggamit ng internet para lang mapagbigyan ang hilig ko.

sabihin mo nang ini-spoil ko ang sarili ko, ayos lang. basta sa paglapat ng aking mga daliri muli sa keyboard, alam kong may nagawa na naman akong makabuluhan.

minsan kasi, kelangang balikan ang mga bagay na nakasanayan na nating gawin para lang makita muli natin ang kahalagahan nito sa buhay natin. kaya heto na naman ako, may halong pagsisisi. bakit? kasi pwede ko naman sanang piliin ang hilig ko, pero nagpatalo na naman ako sa takbo ng sistema.

pero, sa huli, lalaban pa rin ako. ayaw kong makalimutan ang bawat letrang nagdala sa akin kung nasaan ako ngayon.

Saturday, June 21, 2008

“I’m missing more my workmates than my work…”


Dati, takot pa akong magtrabaho kasi baka hindi ako makasabay sa mga taong propesyunal na kung kumilos. Nakakatakot maramdamang nag-iisa ka lang at walang nakakaintindi sa kinikilos mo. Nakakahiya ring basta na lang ialok ang iyong kamay sa mga katrabaho para makipagkilala. Sa madaling salita, sa tatlong buwan na pananatili ko sa kumpanyang unang nagtiwala sa aking kakayahan, nabibilang lang ang mga taong aking nakilala. Sa totoo nga nyan, mas marami pa ang mga katrabaho kong kilala ko sa mukha kesa sa mga taong kilala ko sa pangalan. Sayang, nang dahil sa takot at hiya ay hindi ko naiabot sa lahat ang aking kamay para tangkaing makipagkilala. Wala na akong magagawa, huli na ang lahat.


Oo, kokonti lang ang mga taong naging totoong bahagi ng pang-araw-araw na buhay ko sa opisinang iyon. Pero masasabi ko pa rin na mas namimiss ko ang mga katrabaho kong iyon kesa sa mismong naging trabaho ko sa kumpanya. Oo, lunod na lunod na ako sa mga keywords. Sawang sawa na, kung baga, kahit sa maikling panahon lang. Pero hindi ko kailanman pinagsawaan ang pagsama sa mga katrabahong itinuring ko nang mga kaibigan.


*si tina. Ikaw ang kauna-unahang naging kaibigan ko sa labas ng eskwela. Salamat sa mga oras na pinagsamahan natin lalo na nung mga unang araw ng trabaho. Siguro kung di kita kasama, mas lalo akong nahirapan sa pakikibagay sa bagong mundong kinabilangan natin tatlong buwan na ang nakalipas. Nakakatawa ring isipin, ikaw ang una kong nakasama sa unang araw sa trabaho, at ikaw rin ang huli kong nakasama sa kahuli-hulihang oras ng pagtatapos ng kabanata ng buhay na ito. Amazing, di ba?


*si ate blu. Nung training pa lang natin, akala ko mahirap kang iapproach.(hehe) salamat sa pagreach-out. Ayan tuloy, nakatagpo ako ng kapatid sa loob. Salamat sa keywords, sa pakikisama, sa paggabay sa baguhang tulad ko, sa pagkakaibigan, sa tiwala, sa kape, sa snacks (ililibre mo pa ako ng mcfloat!haha), at sa napakarami pang mga bagay. Ikaw ang magiging dahilan kung bakit kailanman ay hindi ko malilimutan ang kulay na bughaw. (ang lalim!)


*si ate anne. Ikaw ang nakapagpafeel sa’kin na masaya pala sa station natin. Dati kasi wala akong makausap. Pero nung lumipat ako ng terminal sa tabi nyo ni kuya juls, nagbago ang lahat. Nagsimula ang pagkagulo ng buhay ko!haha joke lang…ang totoo, nagsimula ang isang napakasayang work experience. Iba pala talaga ang feeling pag may kausap ka at may kasama kang tumawa. Salamat.


*si kuya juls. Salamat sa mga oras ng pakikipag-usap sa’kin, nafeel ko tuloy na di pala ako nag-iisa sa mundo. Alam kong di ako masalitang tao, mahirap intindihin, at minsan walang kwentang kausap (haha), pero salamat sa pagreach-out. Ipagpatuloy mo ang paggawa ng mga astig na istorya. Sayang, maagang natapos ang lahat, hindi mo tuloy ako napahiram ng book na “All I Ever Really Needed to Know I Learned in Kindergarten.” Gusto ko pa naman ito, anyway, bili na lang ako pag di na ako pulubi. Haha


*si bhudz. Naalala ko, bago natin malaman ang masamang balita nung araw na iyon, habang wala pa tayong pc na magagamit, nasabi mong parang ang suplada ko. Nahalata mo?hehe Sayang, hindi na ako nabigyan ng pagkakataon na mapatunayang mali ang sinasabi mo. Pero, salamat pa rin. Ikaw ang kaisa-isang taong nakita ko na “live” na kumakain ng literal na sili kasabay ng kanin at ulam. San ka pa?


*si allen, na itatago ko na lang sa alyas na Maroon 5. Haha, bakit Maroon 5? Kasi, di ba kasabay mo ako dati sa exam? Tapos mas tumatak sa utak ko ang suot mong maroon na polo kesa sa’yo mismo. Kaya ayun. Salamat sa mga pagpapatawa. Mas nagiging masaya ang lunch time at working time dahil sa mga punch lines mo.


*si kuya nonoy—ang taong adik din sa kape katulad ko. Salamat sa pagiging kuya at sa libreng mcdo!hehe (trivia: cute ang mga anak ni kuya na sina aemon at enuj)


*si kuya bernz. Wala akong masabi.haha salamat sa mga blog sources, auto parts sources, auto parts descriptions, at sa cloud 9. Hahaha


*si riza. Sa totoo lang, pareho kami ng kolehiyong kinabilangan nito. Kaso, una ko syang nakita, dito na sa kumpanya. Ikaw ang nagpatunay sa akin na, this world is indeed a big world!haha


*si ate peach. Sya ang team leader ko, pero sa tatlong buwan kong pagtigil sa kumpanya, kahit libu-libong words na ang naisubmit ko sa kanya, siguro di pa lalampas sa 100 ang mga salitang binitawan ko sa harap nya. Ganun kalaki ang mundo. Sa huli, marami pa rin akong natutunan sa kanya.


***marami pa naman akong mga kakilala bukod sa mga nabanggit ko. Kaso, hindi ko sila masyadong nakahalubilo sa loob. Ang mga taong nabanggit ko sa taas ay ang mga taong naging bahagi talaga ng araw-araw na buhay ko sa loob ng tatlong buwan ko sa trabaho. Maikli mang panahon ito, nakakalungkot pa ring isipin na magiging iba na ang lahat.


Senti ako ngayon, alam ko. Pasensya na, pero kung alam mo lang kung ano ang nangyari, baka sabihin mong kulang pa ang rekado sa sinusulat kong ito.

Thursday, June 19, 2008

never say goodbye

bawal mag-goodbye.

walang goodbye.

hay. madami pa naman sana akong gustong isulat. pero nag-iba ang ihip ng hangin ngayon.

oo, wala ako sa sarili para magsulat ngayon. pero ito na ang paraan ko para mawala ang lahat.

bukas, iba na naman ang drama ng buhay ko. simula na naman ng mga pagbabago.

iba man ang maging timpla ng mga bagong isusulat ko, sana may makapulot pa rin nito. salamat sa lahat.

Wednesday, June 18, 2008

i don't need one more day


matagal ko ring pinag-isipan ang pagbili ng pinakabagong libro ni mitch albom (actually, di na talaga sya bago kasi 2006 pa yun, pero di ko pa nababasa dati kaya tinawag ko na lang na bago). ilang beses na rin akong nagpabalik-balik sa bookstore para doon na mismo pag-isipan (minsan kasi, mas madaling magdesisyon kung on-the-spot, pero wala ring nangyari). ilang araw ko ring binalak na bilhin na iyon, pero noong Linggo lang talaga ako nakapagdesisyon. sa madaling salita, binili ko rin. medyo mahal sya para sa isang pulubing batang katulad ko, pero sa huli, hindi mababayaran ang mga leksyong natutunan ko.

for one more day. mitch albom. nakilala ko si mitch albom sa tuesdays with morrie. pagkatapos kong basahin iyon, alam kong natagpuan ko na ang isa sa mga paborito kong manunulat. matapos ulit noon, kumuha rin ako ng kopya ng the five people you meet in heaven. (wala akong bayad sa endorsement dito, alang-alang sa isang napakagaling na peryodista, libre na ito para sa kanya!haha)

for one more day. paano daw kung bigyan ka ng pagkakataong makasama ulit ang isang taong mahal mo na nasa kabilang buhay na. ano ang gagawin mo? magiging matapang ka ba para harapin ito? si chick, ang anak na piniling maging isang daddy's boy. ilang beses nyang hindi ipinaglaban ang kanyang ina. naging sunud-sunuran sa lahat ng gusto ng kanyang ama. at sa huli, namatay ang kanyang ina habang pinipilit nyang mapahanga ang kanyang amang nang-iwan sa kanila nang mahabang panahon.

***

hindi kailangang mamili ng mga anak sa pagitan ng kanyang mga magulang. sinabi ng ama ni chick "you can be a daddy's boy or a mommy's boy, but you can never be both."

kung nandun lang ako sa istorya, malamang na tumutol na ako ng sobra. oo, dalawa ang magulang ng lahat pero hindi intensyon ng mundo na pagpiliian ito. bakit ba hindi natin magawang maging masaya sa mga bagay na binigay na? bakit kelangang may itatapon pang isa? magulang yan, hindi asawa. kung asawa yan, tama lang na isa lang. pero ibahin mo ang mga magulang mo. may mga leksyon sa buhay na kailanman ay hindi maituturo sa'yo ng iyong ama, pero maibibigay sa'yo ng iyong ina. meron din namang leksyon ang iyong ama na kailanman ay hindi maibibigay sa'yo ng iyong ina. bakit dalawa ng magulang mo? simple, dahil kelangan mo ng dalawa.

wag mo nang hintayin na mawala ang isa para lang malaman mo ang kahalagahan nya. wag kang maging si chick na ginustong magkaroon ng isa pang araw kasama ang kanyang ina para mas makilala sya. at lalong wag naman sanang dumating sa punto na pagkatapos ng i"isang araw" na iyon ay malalaman mong hindi mo pala talaga sya kilala.

hindi basta nobela lang ang "for one more day." katulad ng ibang libro ni mitch albom, naging basehan nito ang totoong istorya ng buhay ng isang tao. sana mabasa mo ang libro.

Saturday, June 14, 2008

i'm no dadi's girl


bunso ako sa pamilya, pero hindi ako daddy's girl. ganun pa man, hayaan nyo akong makipagsabayan ngayon sa lahat ng mga anak na labis ang pagmamalaki sa kanilang mga ama.

hindi ko man nababasa ang lahat ng naiisip at nararamdaman mo, kaibigan pa rin kita...

hindi ko man nasasabi sa'yo ang lahat ng gusto kong sabihin, kaibigan mo pa rin ako...

sana lumaki akong parang barkada ka lang... pero ayos lang naman, kasi kung ganun nga ang nangyari, baka hindi ako ganito ngayon...

salamat pa! happy father's day!..anu ba ang nangyayari sakin? bumabati ako dito pero alam ko namang hindi nya 'to mababasa. iba ang mundo ko sa mundo nya. pero baka di ko kasi masabi...at least, naisulat ko.

para sa ibang mga tatay dyan, nasa inyo rin ang aking pagbati. let this world be conquered with the greatest dads!

Thursday, June 12, 2008

i'm free


di ko maramdaman ang kahalagahan ng araw na ito. sayang, gusto ko pa naman sanang makiisa sa patuloy na pagpupugay sa kalayaan ng bansang aking ginagalawan. napagkaitan na naman ako ng pagkakataon. kasi bakit ba naman may mga taong pilit pinagpipilitan ang mga bagay na hindi dapat. madami tuloy ang naaapektuhan.

isipin mo, ano ang gagawin mo sa ikasiyam ng Hunyo na itinalagang araw ng pahinga? pipilitin mo ba ang sarili mong gunitain ang nararapat na dahilan dahil sa kawalan mo ng magawa? siyempre hindi. at kung oo naman, patuloy mo na lang bang babalewalain ang tamang araw ng paggunita? at sa kagustuhan mo namang gawin ang nararapat gawin sa tamang araw, wala ka namang pagkakataon dahil naagaw na sa'yo ang mismong oras mo. (trabaho man o eskwela kaya)

saan na ba tamang lumugar?

***ang dahilang ito ang nakakapagpainit ng ulo. idagdag mo pa ang aking pagkalugi sa ganitong sistema dahil natural na naman sa kumpanyang aking pinapasukan na walang pasok tuwing lunes. hay!

Wednesday, June 11, 2008

too much


gaano man kalalim ang baso, sa oras na mapuno ito, aapaw din ito.

ayos lang naman sanang lagyan ng laman ang baso, basta alalay lang kaibigan. hindi ka na bata para hindi malamang hindi na nito kaya. ikaw din naman ang mababasa oras na umapaw ito.

hindi baso ang problema ko. at lalong hindi ang tubig na inilalaman dito. hindi rin ang sarili ko. malamang alam mo na, kung nangyari na rin ito sa'yo.

Friday, June 6, 2008

nothing is permanent except "change"

kung sinasabi mong malaki na ang pinagbago ko, yun ay dahil wala ka sa araw-araw ng buhay ko.

totoo, nagbabago ang tao. para saan pa ang mga bukas na dumarating kung wala ka rin namang bagong gagawin? nagbabago ang tao, paunti-unti nga lang. hindi na ikaw ngayon ang parehong ikaw kahapon. hindi mo na masasabing ikaw pa rin yan. oo, ikaw nga yan, pero may nagbago na sa'yo. kahit konti lang.



hindi mo 'to mahahalata kasi nga konti lang. mapapansin mo na lang kapag ilang buwan na ang lumipas. kasi naipon na ang mga kokonting nagbago sa'yo at unti-unting lumalaki. hindi man aminin ng iba, lahat ng madalas mong makasama ay wala ring mapapansin. kahit ikaw, ang pagbabago sa kanila ay hindi mo rin mahahalata. lilingon ka na lang sa iyong mga kahapon at sasabihin mo sa sarili mong "ibang-iba na nga ako ngayon."

ikumpara mo ang ganitong sitwasyon kapag nakasalamuha mo ulit ang isang taong matagal mo nang hindi nakakasalamuha. magugulat na lang siya sa laki ng pinagbago mo dahil ang laki ng pagbabago ay katumbas ng dami ng araw na dumaraan. kung wala siya sa tabi mo kinabukasan ng ngayon, malamang mahihirapan siyang tanggapin dahil mas nasanay siya sa pagkakakilala sa'yong katulad ka ng dati. pero di niya alam, patas lang naman kayo. dahil sya malaki na rin ang pinagbago.

kaya wag mo akong sisisihin kung malaki na ang pinagbago ko. kailanman, hindi pipigilan ng tao ang magbago para lang patuloy na masakyan ng iba ang buhay nya. malamang, ganun ako. kung ang mundo nga na walang buhay, nagbabago. ako pa kaya? pasensya na.

Thursday, May 29, 2008

individual differences


hindi dahil sinabi nyang maganda ka, eh maganda ka na...

alalahanin mong mga tao tayo, (nagkakamali!hahaha. hindi) mayroong mga pagkakaiba, maging paniniwala man.

dahil ganoon ang buhay, wag ka nang masaktan kung may nagsabi sa'yong hindi ka magaling. dahil ang ginawa mo ay maari ngang hindi maganda para sa kanya, pero pag pinakita mo sa iba, tiyak na may hahanga. wag mong ikulong ang sarili mo sa sinasabi lang ng iisang tao. at lalong wag kang papayag na gayahin mo ang ginagawa nya para lang sabihin nyang magaling ka.

isipin mo, para saan pa at milyun-milyon ang tao sa mundo kung magiging pare-pareho lang ang lahat? kung gannon din lang naman ang mangyayari, eh di sana isa na lang ang ginawang tao sa mundo.

may dahilan kung bakit ganyan ka. may mga bagay na tanging ikaw lang ang makagagawa. kung pipilitin mong sumunod sa anino ng iba, baka tuluyan nang hindi mo magawa ang mga bagay na kailangan mong magawa.

magkakaiba tayo, at may rason kung bakit ganito.

Saturday, May 24, 2008

pagbabalanse sa tulay na lubid


hindi naman sana mahirap ang pagtawid sa lubid, kung napagsanayan lang nang mabuti ang lahat bago pa man ang pakikipagsapalaran.

ang pagtawid sa lubid ay hindi lang tungkol sa patuloy na pag-asang makadarating ka sa dulo ng buhay, kundi ang kahandaan mo upang maranasan mo ang saya ng pagdating sa kabila. wala nang pakialaman kung nakatali man ang lubid sa pagitan ng dalawang mataas na gusali o ng dalawang silya. wala nang pakialaman dun, ang importante ay ang pagtawid nang ligtas hanggang sa kabila.

pero alam mo, minsan mas ayos na ring sinubukan mong tumawid kahit na alam mong hindi ka papasa. kaysa naman sa mga taong takot sumubok. isipin mo, ano ang mapapala ng taong hindi sumusubok? puro mga tanong na lang na "makakaya ko kaya?" sa huli, sya lang naman ang talo, paano mo malalamang kaya mo kung hindi mo susubukan? siguro, natatakot lang siyang malamang hindi nya kaya. pero ano naman ang mapapala mo sa takot na iyon? hindi naman nito ituturo sa iyo ang tamang pagtawid sa lubid.

hay...lubid at buhay, iisa lang yan.

pagkakataon

kung may tamang panahon man ang lahat ng pagkakataon, mahihintay kaya ng lahat ang pagdating nito?

Friday, May 23, 2008

writer's block

-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
-
*sa huli, malalaman mo ring mas mabuti nga na wala na lang akong sinabi ngayon.

umasa sa wala...

mahirap mag-expect...kasi naman, pag nag-expect ka at hindi natupad...masasaktan ka lang.
isipin mo lang daw dapat kung ano ang nangyayari ngayon para kung sakaling may mangyari bukas, masosorpresa ka na lang...db? at kung sakaling wala mang mangyari bukas, wala namang mawawala kasi wala ka namang inaasahan...db?
tama nga naman. mas mabuti nang sorpresa ang dumating kaysa sakit...oo nga naman, sana matuto na ako.

intindihin mo sana ako...


mahirap talagang intindihin ang mundo.


minsan nga kahit sarili ko hindi ko maintindihan, eh di lalong nakakabaliw pag mundo pa ang inisip ko? katulad na lang ngayon. hay! sana may makabasa sa nararamdaman ko para malaman ko naman at maintindihan kung bakit ganito ang kinikilos ko. hindi ko talaga alam. wala ako sa sarili ko pero nagagawa ko pa naman ang mga natural kong ginagawa pag nasa sarili ko ako.

ewan ko kung ano ang problema ko. pakiramdam ko meron pero wala naman akong maisip. hay! pag may nagtatanong kung ano ang problema ko, wala naman akong masabi. ano ba talaga? hay, sana maintindihan ako ng mundo o di kaya'y piliting intindihin katulad sa pagpilit kong pag-intindi sa kanya. para patas lang ang lahat.

Tuesday, May 20, 2008

"no man is an island"

sanay na akong mag-isa kahit na ang pinakaayaw kong mangyari sa buhay ko ay ang mag-isa.

ewan, pero parang masayang mag-isa. kahit na ang totoo, malungkot talaga. hay! pasensya na sa magulong entry...gusto ko lang namang masabing hindi ako natutuwa sa pag-iisa kahit na mas madalas kong piliin ang pumasok sa sitwasyong ganito. hindi ko ibig sabihin na para akong nasa isang isla ngayon na walang kasama. hindi iyon ang kahulugan ng pag-iisa sa akin.

totoo, may mga kasama nga ako ngayon pero hindi ko nadarama ang kasama. magulo ba? pasensya na talaga. isa lang kasi ang nasa isip ko. pasensya na.

Thursday, May 15, 2008

moving on


nalalapit na naman ang pasukan. pero ibang-iba na ang lahat ngayon. kumpara sa nakaraang 15 taon ng buhay ko, sa ganitong mga panahon, iniisip ko na kung ilang notebooks ang kelangan kong bilhin, ilang libro ang aking gagamitin, anong bag ang papatok sa aking panlasa, at anong kulay at klase ng ballpen ang tatagal ng higit sa isang araw sa aking mga kamay. (trivia: mga isa o dalawang beses pa lang siguro ako nakakaubos ng tinta ng isang ballpen...ang iba ay nawala o kaya nawala sa sarili, basta na lang nawalan ng tinta.)

ibang-iba na talaga ngayon. wala na ang mga ganoong ideya sa isip ko. kahit nga isang matinong ballpen ay wala ako sa bahay ngayon. tuluyan ko na talagang iniwan ang buhay estudyante. parang ayaw ko pa sana, pero wala nang magagawa. nakakamiss lang kasi ang lahat. as in, lahat!

pero tama lang naman na maglaro sa isipan ko 'yun. dalawang buwan pa lang ako sa bago kong propesyon kumpara sa 15 taon kong pagiging estudyante. hindi nga naman madali ang lahat. alam ko, masasanay din ako.

Tuesday, May 6, 2008

isang napakalupit na "anghel"

Ginoong Angel Tesorero:

hindi kita kilala ng personal, alam ko. tanging ang pagkakakilala ko sa'yo ay napabilang/ nabibilang ka sa pahayagang Pinoy Weekly at may kinalaman ka sa LJA Printing Press.

mas concern ako sa aking huling nabanggit. ang LJA Printing Press. nakakaasar. biktima kami. nasaan ang iyong konsensya?

hindi ko intensyong ipahiya ka sa lahat ng taong nakakaintindi ng lenggwaheng ito kaya hindi ko ihahayag dito ang mga nangyari. ayaw kitang ipahiya kahit ipinahiya mo na kami sa marami. disyembre pa noong nakaraang taon naganap ang lahat, pero hindi ito basta-basta na lang makakalimutan.

marahil nagtataka ka kung sino ako. hindi sapat ang profile ko sa blog na ito para makilala mo ako. pero alam ko maiintindihan mo ang lahat ng sinasabi ko sa mga salitang ito. THE BICOL UNIVERSITARIAN.

ano, nakuha mo na? ano na ang gagawin mo? patuloy ka na lang bang magtatago? kung ganyan ka rin lang naman, sana naging pangalan ka na lang talaga. salamat. pasensya na sa abala!

Wednesday, April 30, 2008

amazing!

it's indeed amazing that all the numbers could be formed using only two numbers--4 and 8!

Tuesday, April 29, 2008

food for thought

"Don't hide love. If you feel it, express it–not to demand that others love you back, but simply to live outwardly the best of what you feel inwardly. The worst that can happen to your heart is not rejection by another person, but failure to act on the love you feel."– Martha Beck, author of The Joy Diet

nagsisinungaling ako!

ayos lang ako. madalas ko itong mabanggit, pero ito rin ang madalas na hindi totoo. sa madaling salita, nagkakasala ako sa tuwing nababanggit ko ito.

pero mas ayos na para sa akin ito. pagkasabi mo nito, tapos na ang usapan.

di ba? pag sinabi mong hindi ka ok, itatanong kaagad sa'yo na "bakit?"

nakakapagod yun. para sa akin, mas madaling sabihin mo ang ayos lang ako kaysa ipaliwanag kung bakit ka malungkot, nag-iisa, nahihirapan, o kahit na ano pa man. sabi nga nila "smiling is far better than explaining why i am sad")

oo, ayos lang sa'kin yun. pero sa oras na ito, malamang nagsisinungaling pa rin ako kasi mas masarap na may nakakaintindi sa mga pinagdadaanan mo.

pero, pinili kong maging ganito kaya heto ako at nagdurusa sa desisyong iyon. pero AYOS LANG!

Saturday, April 26, 2008

precious


heypi birthday tootzieroll! Godbless u always!
like to share this one that i just read.....
"getting old is mandatory; growing up is optional."
go girl! debut mo sana ngayon kung lalaki ka! hahaha (sayang!)

Friday, April 25, 2008

gulay forever

ako ang batang di mahilig sa gulay. (correction, di pala kumakain)

ewan ko kung bakit. mapilit din naman ang mga magulang ko noon. katunayan, binabayaran pa nga ako ng papa ko sa bawat piraso ng gulay na kakainin ko noon para lang kumain talaga ako. (totoo 'to, promise!) pero hindi rin nagtagal ang bayaran at hindi rin nagtagal ang pagkain ko nito. ayun, nasanay na ang panlasa kong wala ito. pero noong grade 4 ako (feeling ko, naisahan ako ng mama ko, titser ko kasi sya), di ko akalaing magagawa nyang magbigay ng assignment na maglista ng lahat ng gulay na kinakain mo tapos kailangang papirmahan sa magulang! para akong natraydor! syempre, di ko naman yun pwedeng dayain. sya kasi ang pipirma at sya rin ang magchecheck. san ka pa? kinaumagahan sa klase, nagyayabangan ang lahat. ako, tahimik lang. pero hindi pa rin ako natinag, wala pa ring pagbabago sa sistema ng pagkain ko.

hanggang ngayon. lalo na ngayon. malayo ako sa mga magulang ko kaya walang pumipilit sa'kin na kumain ng gulay. ang mga tita kong kasama sa bahay ngayon, parang suportado ako. alam na nila na hindi pwedeng ilapit sa'kin ang gulay. (masaya) sabi nga nila, kung nagkataon daw na napasok ako sa pbb house ngayon, lagot ako kay big brother (kasi di ba pinipilit ang mga housemates na kumain ng gulay doon?)

ngayong mga oras na ito, hindi ko pa rin alam kung kelan ako matututong kumain nito.

oo, alam ko. maraming mabuting naidudulot ang gulay. pero buhay pa naman ako hanggang ngayon. ibig sabihin, hindi nakakamatay ang hindi pagkain ng gulay. at isa pa, sabi ng astig na writer na si Bob Ong sa libro nyang "Ang Paboritong Libro ni Hudas"(actually kaya paborito ko sya kasi sa sinabi nyang ito), "bakit ko kailangang kumain ng gulay? kung kabayo sana ako, oo. marami rin namang ibang pagkain dyan na makapagbibigay ng sustansyang katulad din ng gulay." yan ang sabi nya, pero di gaanong ganyan, di ko kasi masyadong namemorya.

pero sa kahuli-hulihan, gusto ko rin namang kumain ng gulay. alam ko rin naman ang mangyayari sa akin pag hindi ko iyon nagawa. kaya nga sinisimulan ko na ngayon. meron na akong isang gulay (ewan kung gulay ba talaga 'to) na kinakain kahit walang namimilit sa akin. patatas. french fries. (achievement!)

Thursday, April 24, 2008

bakit Filipino ang lenggwahe ko?


una, nakakasawang mag-Ingles. halos araw-araw na lang, sa lenggwaheng 'yon ako nagsusulat. nararapat lang siguro na gamitin ko rin ang wikang aking kinamulatan.

pangalawa, konti pa lang ang mga nasusulat ko sa wikang Filipino. sa apat na taon kong pag-aaral at karanasan sa pagsusulat, hindi pa tataas sa sampu ang naisulat ko sa wikang ito. (dumami lang 'yon dahil nag-ojt ako sa publikasyong Filipino ang gamit). sa totoo lang, sa dinami-dami ng mga ginagawa kong artikulo, mabibilang lang ang nakasulat sa Filipino.

pangatlo, masaya palang ito ang wikang gamit. ewan ko kung bakit. astig, kung baga.

pang-apat, hindi naman mga Kano ang gusto kong magbasa nito. hindi naman ako nagpapadiscover!haha

panlima........ewan, wla na muna yata sa ngayon!

para 'to kay Frenee na nagrereklamo sa mga entries ko dahil di sya masyadong nakakaintindi ng Filipino. sana maintindihan mo ito!hahaha

nakakalungkot isipin

i feel so alone.....
yes, indeed!



Tuesday, April 22, 2008

gusto kong maging ____________*

grade 1: di ko maalala kung grade 1 talaga ako noon (basta elementary pa yun), tuwing magtatanong ang titser ko kung ano ang gusto naming maging paglaki, lagi kong sinasagot na "gusto kong maging guro." Ewan ko kung bakit. siguro dahil yun lang ang alam kong propesyon (dati) o siguro dahil na rin sa titser ang mama ko at ang karamihan sa mga kapitbahay namin noon.

grade 5: nag-enjoy ako masyado sa astronomy. ayun, naisp ko tuloy na maging astonaut (hehe). inisip ko kung ano bang kurso ang kukunin ko para maging astronaut ako. meron kaya rito nun sa Pinas?

grade 5 pa rin: masarap magklase sa science kaya sumagi rin sa isip ko ang pagiging scientist. kaso katulad ng astronaut, di ko rin alam kung anong kurso ang kukunin para pagnakagraduate ka eh scientist ka na.

high school: naalala ko, kelangang ilagay sa yearbook kung ano ang gusto mong maging propesyon. lakas-loob kong sinulat ang "duktor" kahit alam kong hindi iyon ang kursong binabalak kong kunin.

may 2004: walang kaalam-alam kong inenrol ang sarili ko sa journalism. di ko alam kung bakit, basta ang alam ko lang, mahilig akong magsulat. yun lang!

4th year college: graduating ako, mga ilang buwan na lang, nasabi ko sa ilang mga kaibigan ko na kung bago pa ako mag-enrol sa college eh alam ko na may kursong chemical engineering sa school na pinapasukan ko, yun sana ang kinuha ko. para kasing mas malapit iyon sa katotohanan ng pagiging scientist.

4th year pa rin: December. bakasyon noon. may inalok ang papa kong trabaho. pinakilala nya sa'kin ang isang publisher ng isang pahayagan sa Maynila. pwede raw akong pumasok don.

4th year as usual: December o January yun. lunchtime. nag-usap-usap ang barkada. sabi ko, bukas ang pinto ko upang sumabak sa pagiging call center agent. sila rin. naplano na namin ang lahat. ayun, lahat ng kaharap ko sa mesa, agents na ngayon. ako, hindi.

march 2008: ilang araw bago maggraduation. natanggap ako sa trabaho bilang isang web content writer. doon pumasok sa isip ko na masya ako sa kinalalagyan ko. masaya ako dahil ang magsulat pala talaga ang buhay ko.

april 2008: lampas isang buwan na ako sa trabaho ko. ayaw kong umalis kahit parang namumulubi na ako. mahirap yakapin ang propesyong hindi mo naman mahal. mahal ko ang pagsusulat.

future: kung sakali mang gusto kong mabago ang trabaho ko, magsusulat pa rin ako. yun nga lang, gusto kong tahakin ang mundo ng media. journalism ang tinapos ko, mas magiging makabuluhan ang buhay ko kung yun ang gagawin ko.

isa pang future: magtatayo ako ng publikasyon. bukod kasi sa pangarap ko na maging journalist/writer/editor, pangarap ko ring mabasa ang pangalan ko bilang "publisher" at may mas malalim pa roong dahilan. kaya sa mga kaibigan, kaklase, kakilala, o katrabaho na nais makisosyo sa itatayong publikasyon, kontakin lamang ako. hehe (pero seryoso!)

Saturday, April 19, 2008

Sa Mga Kaklase Ko

sa lahat ng nagtapos ng kursong Journalism sa taong 2008 mula sa Bicol University:
keep in touch! you can help me post here. practice what we learned from college. write.
if you want, you know how to contact me!
let's keep the fire of words burning!

ayos pa kaya ako?

Mahirap pala pag utak ang puhunan mo. Mahirap diktahan kasi trabaho niya ang magdikta. Di lang basta sakit ang mararamdaman mo pag nasobrahan na ‘to. Mahirap piliting gumawa kasi marami rin itong ginagawa.

Pero ayos na rin na ito ang puhunan mo…dahil hindi nasasayang ang mahabang panahon na ginugol mo para hasain ito.


-a realization from work after a nose bleeding week of writing and writing.

 
patapon © 2008 Template by Exotic Mommie Illustration by Dapina