bago ako mag-umpisa, binigyan ko na ng limitasyon ang sarili ko. alam kong kailangan kong huminto sa oras na ako na mismo ang nagtalalaga. pero para akong tanga na pinagtaksilan ang sarili kong mga utos. heto ako ngayon, malapit nang dumating sa sukdulan. sana hindi ko pagsisihan.
hanggang kailan ko ba pahahabain nang pahahabain ang oras? hanggang kailan ko kaya kayang pagtaksilan ang sarili kong mga pangarap? hanggang kailan ko kaya kayang magpanggap na ayos lang ang lahat, na masaya ang ganito?
hay, di ko rin maintindihan ang sarili ko. lunod na lunod na ako sa trabaho ko. gusto ko na nga lang matulog hanggang sawa na 'ko. ang sarap manood ng tv hanggang sumakit ang mga mata ko. ang sarap magbasa ng libro hanggang sa maubos na ang mga pahina. nakakainggit ang iba. sila, walang nagsasabing ganito ang dapat gawin. wala silang oras na dapat habulin, walang tulog na dapat putulin, walang salita na dapat baguhin.
baliktad na naman ang mundo. alam kong marami ang walang trabaho. maraming may trabahong sobrang bigat ng kailangang gawin. maraming may trabahong hindi nabibigyan ng sapat na kapalit. maraming tao ang gustong magkatrabaho. maraming may trabahong gusto ng trabaho ko. pero heto ako, naghihintay sa pagdating ng tamang panahon....
sa tagal ng paghihintay ko, heto ang mga natutunan ko:
- maraming bagay ang kailanman ay di mo malalamang posible pala kung di ka ganun katiyagang maghintay sa pagsapit nito.
- kahit di mo gusto ang ginagawa mo, para sa ikabubuti ng nakakarami, pipilitin mong gawin na lang ng walang sinasabi.
- kahit gaano ka kadeterminado na magtagumpay, kung wala kang inspirasyon, babagsak ka rin sa huli.
- kahit gaano karami ang benepisyo ng isang bagay, kung wala ang puso mo dito, papangarapin mo paring lumayo at iwan ito.
- hindi dahil matagal ka na sa lugar ay mahal mo na ito, pwede rin namang kinakailangan mo lang talagang manatili dito.
- may mga taong determinadong magbago, pero madalas takot sila sa pagbabago. ayun, sa huli, wala rin namang magbabago. patuloy na lang silang makukulong sa bagay na hindi nila gusto, na hindi nila kayang iwan.
- masarap pag bagong sweldo, pero wala nang mas sasarap pa kapag nakikita mong may natutulungan kang iba sa perang pinagpaguran mo.
- may mga tao talagang mapagsamantala. likas na pala sa mundo yun.
- may mga taong nabulag ng kapangyarihan.
- mas masarap magtrabaho kapag marami kang kaibigan kaysa sa mga katrabaho lang.
- mas masarap maging empleyado kaysa maging boss. Naku, ok na ang simpleng manggagawa kaysa naman nasa taas ka nga, bulag ka naman sa katotohanan. At dahil dun, BOSS ka nga nila, pero hinding-hindi magiging kaibigan.
- walang trabahong madali.
-sa trabaho, mas nakakapagod pag nakatunganga ka lang.
- pag hindi ako nagtatrabaho, nahihiya ako sa mga pulitiko. Sayang ang buwis na ibabayad sa kikitain ko. Pamasahe rin nila yun.
- ok lang sana ang magbayad ng buwis, basta maganda ang serbisyo sa mga government offices. Basta tama ang pakikitungo nila sa'yo. Baka di nila alam, sa buwis na binabayad ko at ng mga katulad ko nanggagaling ang pera sa bulsa nila.
- ok lang sana ang magbayad ng buwis, basta sa kalsada at hindi sa bulsa ng kung sinu-sino napupunta.
TAMA NA ANG NATUTUNAN KO. MUKHANG MARAMI NA. PERO MALAMANG MAY PART TWO ITO. Susunod yun, for sure. KAPAG LUMAYAS NA ANG KATAMARAN SA BUHAY KO....