Monday, May 4, 2009

crystal clear

Hindi mo ako pwedeng piliting masgsalita dahil lang nakikita mong tahimik ako, o dahil tingin mo ay mahina ako nang dahil sa katahimikan ko. Isa lang masasabi ko, kung gusto kong magtanong, magsasalita ako, kung may hindi ako naiintindihan, magtatanong ako. Walang pilitan.

Isipin mo, kailangan ko pa bang mag-isip ng itatanong ko para lang mapatunayan sa’yong may alam ako, para malaman mong hindi ako mahina? Malamang nabuhay ka sa katotohanang “matalino ang batang matanong.” Oo tama yan, di ako kumokontra, pero hindi na ako bata, may mga bagay na kapag nakita ko ay maipapaliwanag ko, mga bagay na pag narinig ko ay maiintindihan ko. Sa mga simpleng pinagsasabi mo, sana maniwala kang naiintindihan ko. Hindi dahil wala akong maitanong eh wala akong naintindihan. Hindi mo ba nakuha na kaya wala akong maisip na itanong eh dahil alam ko na ang sagot sa mga posibleng itatanong ko?

Hindi nila ako katulad. May mga tao kasing magtatanong kahit alam na nila ang kasagutan. Ano sa palagay mo ang motibo nila? Simple, para subukan ang kakayahan mo at kung hindi mo masagot, alam nilang mas magaling sila sa’yo. Pero may mga tao naman talagang nagtatanong para linawin ang lahat.

Simple, kung nalalabuan ako sa sinasabi mo, uulanin ka ng mga tanong ko. Sana maging masaya ka dahil tahimik lang ako. Alam mo kung bakit? Dahil ibig sabihin nun, malinaw lahat ng mga sinasabi o tinuturo mo. Effective ka kung baga.

Likas sa tao ang maghanap ng kasagutan sa mga di nila naiintindihan, tao ako, kaya natural na magsasalita rin ako kung may kailangan akong maintindihan. Maghintay ka lang.

0 ang nakapulot:

 
patapon © 2008 Template by Exotic Mommie Illustration by Dapina