Saturday, May 9, 2009

Call Center Rules

Kung meron mang nabago sa buhay ko sa magdamagang pakikipag-usap sa mga Inglisero sa ibang bansa, yun siguro ay ang “pananaw ko sa ORAS.”

Haha, siguro aakalain mong matutunan mong maging mahusay sa lenggwaheng banyaga (sa pagsalita man o sa pag-intindi). Pwede na rin. Nung una naman talaga ang hirap nilang intindihin, yung tipong pagka-galit na sila at sunud-sunod na ang Ingles eh para ka na lang pinaputukan ng baril sa mukha. Wala kang masabi. Pero ngayon, ang sarap nang makipagsabayan at sabihing “I’m sorry for the interruption, but if you won’t be behaving in a professional manner, I will disconnect the call at once,” wahahaha. Sarap!

Pero ang babaw naman kung yung Ingles lang pala ang dahilan kung bakit andun ka sa call center. Para saan ang Ingles mo, eh marami namang tao sa ibang bansa na pilit minamahal ang kanilang lenggwahe at hahanapan ka pa ng interpreter kasi karapatan daw nila yun bilang customer. Astig. Ayaw nilang pilitin ang sarili nilang magsalita ng baluktot na Ingles dahil alam nilang hindi dahil nasa bansa ka nila eh susundin mo na ang lahat ng nasa kanila. Pero sa huli, may sense naman talaga ang pagsasalita ng Ingles, hindi ka nila maloloko. Period.

Maiba tayo at mabalik dun sa ORAS na sinasabi ko sa simula. Simple lang naman. Nalaman ko ang kahalagahan ng bawat minuto, ng bawat segundo. Sa sobrang halaga nila, nagulat din ako nung naramdaman kong matagal pala ang itinatagal ng isang minuto, at mas lalo pang nakakagulat na marami pala talagang nangyayari sa isang minuto. Biruin mo, sa isang minutong nawala ka sa operasyon, ang laki na ng nawawala sa buong grupo. Isang minuto na kung tutuusin eh ang sarap lang patayin pag nanonood ka ng TV, o kaya pag nagshoshopping. Sa sobrang halaga nito, mawawalan ka ng trabaho sa isang minuto na ilegal kang nawala.

Hay, buhay nga naman. Ang iba, ayun nag-eenjoy magsayang ng oras. Pero ako ngayon, kahit isang minutong nakapikit ang mata ko ay importante, kahit isang minutong wala akong ginagawa ay napakahalaga. Di ba? Kung mahalaga na sa akin ang isang minuto, mas lalo akong magiging masaya sa dami ng minuto sa isang oras, sa isang araw, sa isang linggo, sa isang taon… Mas may sense ang buhay, kung baga.

At dahil ba natutunan ko na ang leksyon ko, pahiwatig na ba itong dapat akong humanap ng pagbabago? Sana pagkagising ko bukas eh may sagot na.

Monday, May 4, 2009

on writing a book

Gusto kong sumulat ng libro.

Ako ang magdedesign ng cover.

Gusto ko yung astig.

Pero hindi ako magaling magdesign, sa kasamaang palad.

Kaya, magpapacontest na lang ako sa pinakamagandang design.

Ako na lang ang pipili.

Pero ano ang laman ng libro ko?

Nobela?

Biography?

Self-help?

Inspirational?

Fiction?

Non-fiction?

Ano?

Ewan ko. Wala akong maisip.

Paano ba magsisimula?

Sa anong lenggwahe ba mas maganda?

Kung sakali kayang makagawa ako,

May magbabasa kaya?

May mapupulot kaya ang mga mambabasa?

May tatatak kaya sa isipan nila?

Minsan naisip ko,

Mas ok palang magsulat na lang ng isang linya

Basta may magbabasa at may matututo.

Kesa makapal na libro na may astig na cover

Pero nasa sulok naman at pinagpipyestahan ng mga alikabok.

Sa ngayon, mas mabuting pag-isipan muna ang mga bagay na nais kong isulat.

Hindi lang dahil gusto kong magkalibro ay magsisimula na ako.

Ayoko ng basta libro lang

Wala akong pakialam kung hindi ito papatok sa masa

Basta may tao lang na makakaunawa at makikinabang

Kahit hindi marami, ok lang.

Kahit matagal pa, ayos lang.

Hindi dapat nagmamadali.

Parang buhay lang pala ang pagsulat ng libro.

Hindi katwiran na gusto mo kaya gagawin mo.

Kailangang pag-isipan muna nang mabuti.

Hindi lang ikaw mismo ang karakter sa buhay mo.

Marami pang tao

Kailangan mong isipin kung paano sila maaapektuhan ng ginagawa mo.

crystal clear

Hindi mo ako pwedeng piliting masgsalita dahil lang nakikita mong tahimik ako, o dahil tingin mo ay mahina ako nang dahil sa katahimikan ko. Isa lang masasabi ko, kung gusto kong magtanong, magsasalita ako, kung may hindi ako naiintindihan, magtatanong ako. Walang pilitan.

Isipin mo, kailangan ko pa bang mag-isip ng itatanong ko para lang mapatunayan sa’yong may alam ako, para malaman mong hindi ako mahina? Malamang nabuhay ka sa katotohanang “matalino ang batang matanong.” Oo tama yan, di ako kumokontra, pero hindi na ako bata, may mga bagay na kapag nakita ko ay maipapaliwanag ko, mga bagay na pag narinig ko ay maiintindihan ko. Sa mga simpleng pinagsasabi mo, sana maniwala kang naiintindihan ko. Hindi dahil wala akong maitanong eh wala akong naintindihan. Hindi mo ba nakuha na kaya wala akong maisip na itanong eh dahil alam ko na ang sagot sa mga posibleng itatanong ko?

Hindi nila ako katulad. May mga tao kasing magtatanong kahit alam na nila ang kasagutan. Ano sa palagay mo ang motibo nila? Simple, para subukan ang kakayahan mo at kung hindi mo masagot, alam nilang mas magaling sila sa’yo. Pero may mga tao naman talagang nagtatanong para linawin ang lahat.

Simple, kung nalalabuan ako sa sinasabi mo, uulanin ka ng mga tanong ko. Sana maging masaya ka dahil tahimik lang ako. Alam mo kung bakit? Dahil ibig sabihin nun, malinaw lahat ng mga sinasabi o tinuturo mo. Effective ka kung baga.

Likas sa tao ang maghanap ng kasagutan sa mga di nila naiintindihan, tao ako, kaya natural na magsasalita rin ako kung may kailangan akong maintindihan. Maghintay ka lang.

 
patapon © 2008 Template by Exotic Mommie Illustration by Dapina